Kung tutuusin, maraming bagay akong dapat gawin kaysa isipin ka. Tulad nalang ng 800-1200 salitang artikulo para sa klase ko sa peryodismo. Artikulong inaantay ng isang Encanto. Tulad ng 500 salitang sanaysay tungkol sa isang tao – ang tatay ko – na tumatalakay sa buhay n’ya at ang epekto nito sa buhay ko. Tulad ng pagbabasa ng iilang paksa sa libro upang kumpetensyahin ang mga masasamang elemento sa klase ni Maximo. Tulad ng pagtulog. Tulad ng pag-iisip kung papaano ko mababago ang mundo.
Pero bakit ba sa kabila ng lahat ng ito, nariyan ka at nanggugulo? Pinatay ko na ang cellphone ko dahil nababaliw ako kahihintay sayo. Sira na ang dalawang charger ko, pero kahit na may bago, magmamatigas pa rin ako. Hindi dahil wala na akong pakialam sayo. Kundi dahil sa tuwing titignan ko ang screen nito, papawiin ang screen saver sa pamamagitan ng mga tiklado, wala akong mensahe mula sa iyo.
Minsan na kitang tinanong kung bakit may mga pagkakataon na hindi mo ako binibigyan ng paliwanag. Sabi mo, “Ganun lang talaga ako.” Taliwas sa pagkakaintindi mo, uulitin ko, hindi kita hinihingan ng paumanhin dahil ganyan ka lang talaga. Sa tinggin ko, hindi mo nabasa yung parte kung saan sinasabi ko na intindihin mo naman ako. Hindi na ako nagtataka kung nawaglit ang mga katagang iyon pagkabasa mo. Binura ko, mag-away pa tayo.
Maraming pagkakataon mo na ring ginamit ang rason na ito: napapraning lang ako. Sa totoo lang, hindi ko naiintindihan kung ano ang konteksto nito. Dahil kahit ako, sa tuwing sasakay sa tricycle papuntang kanto, sa tuwing bababa ng jeep habang umaandar pa ito, sa tuwing tatawid sa isang malawak at malapad na kalsada kung saan ang mga sasakyan ay tila parating nagkakarera, napapraning din naman ako. Pero sa tuwing magpapadala ako sayo ng mensahe na paalis na ako at uuwi na ako, hindi ko naman sinasama ang mga katagang napapraning ako.
Tulad ng sinasabi ko tuwing darating tayo sa puntong ganito, naiintindihan ko. Hindi sa bigla akong nabiyayaan ng linaw ng kaisipan o biglang bumaba ang espiritu ng langit upang gabayan ako, pero naiiintindihan ko na sa puntong ito, hindi ko pa pwedeng maintindihan dahil na rin siguro ayaw mo.
Minsan iniisip ko kung bakit pa kasi ako pumasok sa bagay na ito. Pero tulad rin ng minsan ko ng sinabi sa iyo, wala akong pinagsisisihan. Dahil sa pagkakataong ito, nahulog ako sa ilusyon, sa isang panaginip na sa isang sulok sa Pilipinas, sa isang sulok ng Lungsod ng Quezon, may nag-iisip kung kumain na ba ako, kung umuwi na ba ako, kung sino ang kausap ko, at kung anu-ano pa. Isang tao na hanggang ngayon pinaniniwalaan kong nag-aalala bukod sa kung sinumang kaibigan, kamag-anak, at mga magulang.
Kung nakilala mo ako ayon sa pananaw ng mga pinakamalalapit kong kaibigan, isa lang ang masasabi nila sa’yo: hindi ako pasensyoso. Hindi ako marunong umupo sa iisang tabi para maghintay na maganap ang lahat ng bagay na wala akong kinalaman. Ako’y kikilos, mag-iingay, mangungulit, magpapatawa, bibili ng merienda, magsasalita. Ako’y kikilos.
Sa ngayon, ang mga kamay ko’y nakatabing pa rin sa aking mga mata dahil hindi ako makapaniwala na ako’y nagbago para sa iyo. Ako ay nagtitiis, naghihintay. Nagpapaka-gago.
Alam ko naman na pinangangalagaan mo rin ako. Binubura mo ang mga “I love you” ng mga taong hindi mo naman kaano-ano, mga taong parte na ng nakaraan mo. Nagkakandaugaga ka rin naman kahit papaano nung nagtampo ako dahil sa SM at sa sapatos. Nagalit ka noong sinabi ko sayo na umalis ako ng bahay sa kalaliman ng gabi dahil bagot na bagot na talaga ako, kung saan pupunta, hindi ko sinabi sayo – dahil rin talagang wala akong pupuntahan noon kundi sa kawalan ng mga makikipot at madidilim na kalye; nag-aabang lambingin ng hangin, at bumulong na tumahan ang nilalang na gumugulo sa kalooban ko. Sana tama ako, sana totoo. Pinangangalagaan mo ako.
Kung tungkol lamang sa iyo ang mga bagay na ipapasa ko sa bawat klase sa pagsulat, sa tinggin ko kanina pa ako tapos. Makatutulog ng maaga, umaasa na sa pagmulat ko, sa pagkabuhay ng cellphone, ito’y magliliwanag at tutunog bilang hudyat sa mensaheng nagsasabing naalala mo ako.
Isang panunuya sa sarili ang pagtago ng mga bagay na gusto kong sabihin sa iyo. Maguluhan man sila sa pagkatao ng kausap ko sa sanaysay na ito, mag-imbento man sila kung sino ka, magturo ng ibang tao, isa lang ang totoo. Ito at ang laman nito.
May magbago man pagkatapos mong basahin ang lathala na ito, hindi ako magsisinungaling na magsisisi ako. Dahil ngayon importante kang tao sa buhay ko. Pero hindi ko rin itatanggi na sa puntong ito, naghahanap ako ng isang matibay na patunay upang ipagpatuloy ang paniniwala sa iyo. Dahil marami akong naiisip na dahilan upang bumitaw, bigyan mo ako ng isang dahilan, ang dahilang hinihintay ko para ‘di ako magbago. Dalian mo, habang balot pa rin ako sa ilusyon, sa emosyon na ito.
Tuesday, December 9, 2008
para kay b.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment