Tumangis ako ngunit walang mga luha na magsasabi na sadyang ginawa nga. Naka-upo, nakalupasay, may pagnanais na itigil ang pagkilos sa magulong mundo na ito at hayaan nalang itong uminog hanggang maiwan ako. May pagnanais na maging tulad ng bato sa ilog – nakapirmi at nagmamasid – dahil sa lahat ng ito, seryoso, pagod na ako.
Si Patrick, balahura pero totoo. Sa sobrang totoo, nasaktan ako nung tinanong n’ya, “kailan kita makikitang hindi umaasa?” Sabi ko, “putang ina mo.” Pero siguro habang buhay nalang akong ganito. Kadiri, totoo.
1:30. Bahala na ang ulan lunurin ang pungay ng aking mga mata hanggang malusaw ang bugnot ng gabi. Nang sa pagputok ng umaga makita ng langit ang namumugtong mata. Ngingiti upang ikubli, dali-dali. Isang huwad.
Isa sa mga paraan upang dayain ang pagpapahayag ng damdamin sa pagsusulat: PUTANG INA.
Sa totoong buhay, hindi ako mahilig tumakbo. Pero kanina, takbo ako ng takbo.
Diwang pinagkaitan ng linaw at pagkakaisa, sa watak-watak na pangungusap nagkakasiya. Pilit mang lumikha ng isang buo, bandang huli, bumabagsak rin sa pormang ganito.
No comments:
Post a Comment