Friday, September 11, 2009

trahedya ng dalawang manggagawa.

Mahirap ang trabaho nung manong na nagtitinda ng yosi at kendi sa tabi ng kalsada. Bilad sa ulan at araw, tanging suot ay ang pudpod na tsinelas, shorts, at tshirt na kupas. Pwede namang umupo. Pero kasi mas makakabenta kung hahayaang ugatin at pamamanhirin ang mga binti sa pagtindig buong araw hanggang gabi. Bawal ang payong dahil sagabal, asa ka pang may pambili s’ya ng kapote. Tiis, tiis nalang. 

Ang mahirap pa d’yan, sa libu-libong sasakyan sa kalsada, ilan ba ang nag-yoyosi? Ilan ba ang bibili, kahit isang pirasong kendi? Hindi natin alam. Kailangan lang umasa nung manong na sa pagtapat n’ya sa isang driver, aabutin nito yung yosi o kendi at mag-aabot ng baryang mamiso bilang bayad. Kung hindi, sorry nalang. Susubukan nalang ulit sa susunod na sasakyan.

Yung nagbebenta ng balut sa kanto, hindi nga nakatayo, buong gabi namang naka-upo. Wala kasi s’yang bisekleta, at kung may bisekleta man s’ya, masyado na rin s’yang matanda para umikot-ikot at sumigaw para ialok ang kanyang mga paninda. Minsan, masyadong malamig ang gabi. Bukod sa suot n’yang damit, siguro sapat na yung di-kerosene n’yang ilaw para magbigay ng konting init. At ang pinakamahirap sa lahat, bawal matulog at wala ka pang makausap.

Oo nga, nakapwesto nga s’ya kung saan marami ang tao. Pero siguro, kakaunti nalang ang interesado kumain ng balut, penoy, o kahit yung chicharon n’yang tila palamuti na nakatali sa basket. Hindi rin naman pwedeng magpa-free taste, o mang-alok ng balut sa kung anu-anong paraan. Kung hindi bibili yung taong natapat sa’yo, aasa nalang na yung kasunod ay may balak kahit papaano.

Iisa lang naman ang gusto ng dalawang karakter na ‘to. Gusto nilang kumita ng pera. Kung bakit, hindi na natin kailangan malaman. Pero iisa lang din ang trahedya ng kanilang piniling paraan para kumita. Parehas nilang kailangan maghintay at umasa. Hindi kasi pwedeng masyadong mapilit. Baka naman ‘pag nabadtip sa manong yung driver ay mura-murahin pa n’ya ‘to o kaya naman sagasaan. Bawal rin naman mambwisit ng mga taong dumadaan dahil gusto mong makabenta ng balut, ibato pa nila yan sa mukha mo kung nagkataon.

Pero hindi ibig sabihin nun na aasa ka nalang habangbuhay. Eh kung ganun lang din, sana namalimos ka nalang. Tulad ni manong, dapat tuloy pa rin ang pag-aalok. Pero syempre dapat swabe lang. At kung naka-upo ka lang din naman, sigaw ka rin ng kaunti para naman malaman ng mga tao na nagtitinda ka ng balut. 

Walang nangyayari sa simpleng pag-asa. Alam mo yung dahilan kung bakit ka nagbenta ng yosi, kendi, balut, penoy, o chicharon. Kailangan mo kumilos, kailangan mong gumawa ng paraan. Oo, totoo. Minsan nakakatakot ng bahagya maging mapilit. Pero mas matakot ka kung sa bandang huli wala kang napala.  

No comments: