Friday, May 8, 2009

restraint.

Hawak mo na yung sigarilyo, yung lighter nasa lamesa lang. Kapag pinili mong sindihan yan, hindi malabong kasunod na ang isang malalim na hininga at ang paulit-ulit na paghithit. Pagkatapos ng ilang minuto, upos nalang ang matitira. Bigla mong maaalala ang pangako mo sa sarili na titigil ka na. Sasabihin mo sa sarili mo, “promise, yun na yung last.”

Kinabukasan magsisindi ka ulit ng isang stick, tapos sa susunod ulit na araw, tapos sunod-sunod na. Gagawa ka ng mga imbentong dahilan para hindi ka masyadong ma-guilty. Tapos mapapagod ka, sususko, kakalimutan ang lahat.

Kalimitan ganyan din ang nangyayari sa mga New Year’s resolutions, mga diet plans, mga gawa-gawang schedule ng pag-aaral ilang araw bago mag-exam, at marami pang iba. Mahirap ibahin ang nakagawian. Mahirap sumunod. At mas pipiliin mong ituloy-tuloy ang isang bagay na nakasanayan dahil, aminin mo, mas madali kasi.

Sino ba nagsabing hindi mahirap magpigil?

Mas madali manuntok, mas madali magmura, mas madali manakit ng tao. Siguro kung ‘yan pinili ko, iba problema ko ngayon – kung paano ipapaliwanag yung ginawa ko para magtunog na katanggap-tanggap at kung paano hihingi ng paumanhin para ibalik ang lahat na parang walang naganap.

Pero, hindi. Pinipilit kong magpigil kasi ‘di bale na yung mukha kang tanga dahil walang nakaiintindi sa mga kinikilos mo, ‘di bale na ang sakit na ng ulo mo sa higpit ng pagkakakagat mo h’wag lang magsalita, ‘di bale nang kunwari wala pero meron, kaysa gumawa ng mga bagay na pagsisisihan sa huli.

Lahat ng tao maghihintay ng paliwanag. Magmumukha kang masama kung hahayaan mo nalang yung ibang tao na bumuo ng mga posibleng dahilan. Pero kung tutuusin, minsan mas mabuti na yun. Dahil minsan, mas magmumukha kang masama kung magpapaliwanag ka, tapos hindi naman nila maintindihan kung bakit ganun. Tumahimik ka nalang.

Tatahimik nalang ako kasi hindi mo rin naman maiintindihan. Maiinis ka sa akin, pero isipin mo rin na hindi naman aabot sa ganito kung hindi ako unang nainis sa’yo. Ayoko nalang ng gulo. Mas masakit yun sa ulo.

Mahirap magpigil. Kaya sana kayanin kong magtimpi. Hindi ako sisigaw, hindi ako magagalit, hindi ako mananakit, hindi ako makikipag-away. Mag-iiba muna ang lahat. Pupulutin yung lighter na nasa lamesa, magsisindi ng sigarilyo, bibira ng isang malalim na hininga, pagkatapos bubuga.

No comments: